Sunday, December 17, 2006

Balita Part 2

Naimbitahan pala kaming kaming mag-exhibit ng aming mga produkto (well, bigas lang naman) sa Glorietta, sa Makati, kaya medyo nakaapak uli ako sa Luzon. Sa totoo lang hindi naman kailangan namin pang mag-exhibi d’un, hindi naman namin market ang Manila eh, malulugi lang kami sa mahal ng pamasahe papunta d’un, kuntento na kami dito sa Mindanao. Napilitan lang kami, inabutan ng hiya, kasi malimit kaming iniimbita, parating tumatanggi, ngayon hindi na kami makahindi, kaya pagbigyan!

Napagkasunduan ng mga bosing ko na isama ako sa pag-exhibit sa Luzon, kasi raw, sanay daw ako sa Manila. Ang mga kasama kasi eh ‘yung isang boss ko lang, si Kuya Nono at ang marketing officer namin, si Ronnie. Okay lang si kuya na lumuwas mag-isa, kaso si Ronnie, unang pagkakataon nyang aapak ng Luzon, Manila pa, kaya kinailangan daw na ako ang maging butihing giya o guide niya – oh say!

So, plinano naming mabuti kung ano ang aming gagawin d’un sa Luzon –habang nasa serye ng mga pagpupulong ang bosing namin, kami naman ni Ronnie eh abala sa pagsasaayos ng aming ie-exhibit sa Glorietta at kasama na rin d’un ang pamamasyal sa mga piling lugar sa Manila, para sa susunod na pagluwas daw, alam na ng kasama ko ang gagawin. Kaya, isang lingo pa lang, pinadala na namin ang mga produkto sa barko, para tamang-tama sa pagdating namin d’un, tiyak and’un na rin mga produkto namin.

Gan’un sana ang mangyayari, okay na okay sana, kaso, puro kabaligtaran ang nangyari…bigla naman akong siningil ng bosing ko sa isang trabaho na medyo matagal ko ng hindi natatapos (hindi ko rin naman siya masisisi). Kaya ang naging deal, hindi ako sasama kung hindi ko matatapos ‘yun! Okay naman ang deal, ginawa ko ang kayang gawin, kaso minalas naman ako…hindi ko natapos, kaya sa umaga ng pag-alis, tanggap ko na sa sarili ko na hindi ako makakasama.

Siyempre, medyo madrama, n’ung ibinigay ko na ‘yung plane ticket nila (ako kasi ang nag-asikaso sa pagkuha eh), bigla akong hiniritan ng bosing ko na padrama-drama pa ako, kasama raw ako. Siyempre, biglang ngiti at nagmadali sa pag-empake ng mga gamit. Tinext kaagad ang mga kaibigan para makapag-meet kahit saglit…lahat okay na sana, nasa plano ang lahat, kaso….

Pagdating sa airport, may hindi magandang nangyari...medyo nahuli kami ng check-in, kaya ang nangyari, nasaraduhan kami. Sa totoo lang, maaga pa’yun, kaso kupal 'yung management, mukhang pera...pinauna ang mga chance passengers, kaya naubusan kami ng upuan. Sa pila sa check-in. may nakauna pa nga sa amin, lima sila, ang available lang na upuan ay dalawa (2), kaya binitiwan na nila. Kami naman, tatlo (3), dalawa lang ang puwede, ang isa maiiwan – ack! Sabi ko maski kandong na lang ako, o kaya ay sa isle na lang ako, basta makasama lang ako, kaso hindi raw talaga pwede.

Namputsa, para akong binuhusan ng mainit na tubig, pulang-pula ako sa inis…tapos, nag-usap na lang kami kung sinong maiiwan…hindi pwede ang bosing ko ang maiwan, lalo hindi pwede na si Ronnie ang maiwan dahil hindi nya alam ang lugar pagdating sa airport…kaya napagkasunduan, ako ang maiiwan, sa susunod na flight na lang daw ako sasakay! Icks, 'pag minamalas nga naman...nag-init talaga ang ulo ko d’un sa airport eh, sabi ko huli ko ng sakay sa Cebu Pacific na ‘yan! Wala akong magawa, init lang ng ulo na lalo pang umiinit ng malaman ko na kailangan magpa-rebook pa ng flight at hindi pa sigurado kung may bakante sa susunod na flight, kaya kailangang bilisan…11:40 am ang dapat na flight, ang susunod eh 5:40pm pa, napakahabang panahon na paghihintay! Kung walang bakante, baka sa kinabukasan pa ang susunod …AAAAAARRRRRGGGHHH, sira lahat ang plano ko!

Halos murahin ko nga ‘yung agent sa booking center eh…tapos, n’ung nakakuha ako ng ticket, ang problema, ang mahabang paghihintay, naisipan ko na lang na pumunta sa SM Davao, at d’un nagpalipas ng oras. Mabuti pa pala, and’un pa ‘yung ibang kasamahan namin sa opisina, mga naghatid sa amin, sinamahan ko na lang silang mamili pampalipas ng oras.

Pinilit kong maing maaga sa pag-check-in, takot baka maiwan na naman, at naging okay naman…star sighting, kasabay ko sa eroplano, si Nanding Josef!

Pagdating sa Manila airport, mga 8:00 pm na ako nakarating, diretso sa Malate, check-in sa may Pension Natividad at d’un namalagi, kasi…heps, lovelife ko na ‘to eh, kaya hindi ko na lang muna ikukuwento….LAB YU ‘GA!!!

Tapos ‘yun, kinabukasan nagkita kami ng mga kasama ko, sa Quezon City sila stay, ako sa Malate, ang exhibit namin, sa Makati…parang magkakalayo yata kami sa isa’t-isa. Tapos, doon na dumating ‘yung mga medyo hindi maganda na mga pangyayari.

Hindi dumating sa oras ang pinadala naming bigas, kaya hindi kami nakapag-exhibit. Lunes hanggang Biyernes ang exhibit pero kami hanggang Huwebes lang. Lunes inaabangang dumating para makahabol sa grand opening sa Martes, kaso Miyerkules ng madaling araw dumating. Sa proseso ng paghihintay, ilang beses naming tinawagan ang kompanya, FASTPAK (dapat nga SLOW FUCK ang pangalan nila eh!), at ilang beses sila na nangako, ay siyet, d’un na talaga ako nagmura, sa manager pa nila! Ang daming naapektuhan at nasirang skedyul…as in, lahat sira! Pati mga personal na lakad ko, hindi ko napuntuhan, dahil sa paghihintay…haaay, kinabuhi!

Una pa lang ‘yun…’yung sumunod…medyo personal na….

Nakakuha ako ng pagkakataon na makabisita sa bahay…at dahil sa mga positibong nangyari sa aking lovelife, nagkaroon na ako ng lakas ng loob na sabihan ang pamilya ko kung ano ako.

Una kong sinabihan ang dalawa (2) kong kapatid na babae, ‘yung parehong kasundo ko…kaso sa pagkakataong ‘yun, medyo nag-iba ang ihip ng hangin, hindi kami nagkasundo! Medyo masakit ang mga narinig kong salita mula sa kanila. Iba sa inaasahan ko, kasi ‘pag nagbibiruan kami tungkol d’un, kwela sila…pero sa pagkakataong ito, hindi na, dumating pa sa punto na hindi nila matanggap. Iyak talaga ako, kasi ‘yun ang kinatatakutan ko…sa mga kaibigan ko, nalampasan ko, pero pagdating sa pamilya ko, ‘yun pa ang nangyari. Nagkasundo na huwag sabihan ang nanay ko dahil may sakit sa puso ‘yun, baka mabigla at baka kung ano pa ang mangyari.


Nakakalungkot, kasi ni isang beses, ng inamin ko na sa mga kapatid ko, hindi na nilang nagawang tumitig sa akin…talagang ayaw nila, takot sa iskandalo! Sa lahat ng ayaw kong marinig na salita, ‘yun pa ang narinig ko, at mula pa sa kanila – “Ano na lang ang sasabihin ng ibang tao?” Sa sama ng loob ko, sabi ko na lang, huwag silang mag-alala, walang eskandalong mangyayari, sa Mindanao na lang ako…sabi ko hindi ko kayang humarap kay inay na pugto ang mata, magtataka ‘yun! (Nasa isa pang ate ko kasi ang nanay ko ngayon.)

Kaso, kailangan, dahil lalong magtatampo ang nanay ko, alam na bumista ako sa San Pablo, tapos hindi nagpakita sa kanya…sinamahan ako n’ung isa kong ate, at panay pa rin ang usap naming. N’ung nagkita kami ng nanay ko, parang nakahalata, pero wala lang, usap na lang kami…tapos nagpaalam na ako.

Sa jeep, paluwas na uli ako, nag-text ako sa isang ate ko (‘yung kasama ng nanay ko, nasa meeting kasi kaya wala siya d’un n’ung bumisita ako), sabi ko, nagladlad na ako d’un sa dalawang ate ko, at hindi nila tanggap, sabi ko, siya kung anuman ang isipin niya, bahala na…nag-reply, na ikinagulat ko…okay lang daw sa kanya, naiintindihan nya daw…siya na daw bahala, kumausap sa iba ko pang ate at pati na rin kay inay, didiskartehan nya daw ng hindi mabibigla. Nakakatawa ang buhay, sa totoo lang, siya ‘yung ate ko na parati kong kaaway n’ung mga bata pa kami, tapos siya pa pala ‘yung magiging kakampi ko at makakaintindi sa akin. Mabuti na lamang madilim ‘yung jeep na sinasakyan ko, kaya hindi pansin ng ibang pasahero na lumuluha ako (well, eh ano naman kung makita nila?).

Nakipagkita muna ako sa isa kong kaibigan sa Los Baños, at d’un ako naglabas ng sama ng loob, medyo matagal kaming nag-usap at medyo gumaan ang pakiramdam ko. Pagkatapos n’un, diretso na sa Manila, sa mga kasama ko, nag-text kasi ako na medyo may hindi magandang nangyari sa bahay kaya medyo mahuhuli ako sa usapan naming. Sabi nila okay lang daw, naiintindihan nila. Hindi na nga ako nakadaan sa isa ko pang kaibigan, and’un pa naman at mag-overnight si fafa gerry, ‘di ko tuloy nakita – kulang na kulang kasi sa oras eh, tapos sa mga pangyayari pa!

N’ung nagkita na kami ng mga kasama ko, unang hirit, lunurin ko daw sa alak ang problema ko at pumili lang daw ako ng anong klaseng lason…sabi ko sira, tatalon na lang ako sa Manila Bay! Ay’un, inom ng kaunti at gimik, kahit mabigat ang damdamin…tapos uwi sa hotel at natulog.

Pagkagising, may text ako, galing sa ate ko. Kabadong binasa, at nagulat na naman ako, sabi niya, alam na raw ni inay at naiintindihan niya ako…sabi ko ‘yung ang okay na balita…sabi ko sa sarili ko, parang aalis ako ng Luzon na medyo malungkot na masaya…tapos mayamaya lang, nag-text naman ‘yung isang ate ko, humihingi ng patawad, nabigla lang daw sila kaya nila nasabi ‘yun….

Naghanda na kami para sa flight pauwing Mindanao…halo-halong karanasan…masaya, magulo, malungkot….


Ay’un, medyo madramah ang naging pagbisita ko ‘di ba? Ngayon, eto ako…masaya na uli!

2 comments:

Arashi-KIshu said...

Naku, nakikiramay ako sa iyo. Sa umpisa lang naman iyan eh. Basta ang importante, kilala mo na ang sarili mo.

Nabigla lang yung mga ate mo. Sana wag mo nang damdamin. Siyempre nakakagulat yung balitang hatid mo, kaya siguro nakapagsalita ng masakit. Naranasan ko na rin iyan. Magpakatatag ka lang!

Anonymous said...

Johnny, alam mo naman na suportado ka namin kahit anupaman. Isang text lang kami. :)

Related Posts with Thumbnails