(Isinama ko na rin 'yung orihinal na si Bb. Celeste Legazpi)
Well, maayos din naman ang pagkakanta nya, maski sumablay siya sa ilang titik o lyrics ng awit (unang stanza pa lang eh...), pero nabigyan nya naman ng hustisya ang awit para sa makabagong panahon....
Sa totoo lang, ngayon ko rin lang nalaman ang mga titik ng awit na ito... n'ung bata ako, madalas ko siyang marinig, pero hindi ko saulo ang mga titik... ngayon na lang talaga...salamat sa internet!
Haaay... naaalala ko tuloy ang kabataan ko n'ung narinig ko ang awit na ito...
... naliligo sa ulanan ng hubo't-hubad...
... naglalangoy sa sanaw ng tubig-ulan mula sa malalakas na tulo sa mga bubong ng bahay...
... puro gasgas at sugat ang paa, lalo na ang pisngi ng mga binti dahil nagsisimulang mag-aral kung paano sumakay o umangkas sa bisikleta (BMX!)...
... ayaw matulog kapag tanghali, iiyak dahil ayaw matulog, pero makakatulog na rin dahil sa mapapagod sa kakapalahaw...
... may poster pa kami ng Menudo n'un sa may sala namin (bata pa si Ricky Martin at kinababaliwan si Robby Rosa!)...
... sikat na sikat sina Kuya Bojie! Ate Sienna! Si Pong Pagong at Kiko Matsing (asan na kaya sila?)! Ang Batibot!
...nag-aaway kami parati ng ate ko kapag 4:00 na dahil gusto nya "Dear Diary" (sino nga 'yung dalagang bida d'un na anak ni Tina Loy?) sa channel 9 at "That's Entertainment" naman pagkatapos sa channel 7, eh ako naman eh natural, cartoons ang gusto!
Sikat na sikat din ang "Bazooka Joe Bubble Gum", ang unang kong kinolekta na mini-comics, hehehe...
Ako ang nagpapaarkila sa lugar namin... ang daming nakasabit na iba't-ibang klaseng komiks sa isang sampayan sa may tarangkahan namin... nakakatawa, kailangan pang alisin ang mga nakasabit na komiks para lang may makapasok sa looban namin, hehehe... paborito ko n'un ang Funny Komiks (na ayaw naman akong ibili ng nanay ko dahil hindi nya gusto, Pinoy komiks ang sinusubaybayan namin n'un eh!) ... nakikibasa lang tuloy ako sa mga kalaro, kapitbahay o mga pinsan ko...
... talagang haaaay, ang simple ng buhay....
Pero ngayon?
Well, may internet....
Saranggola ni Pepe
Nonoy Gallardo
Matayog ang lipad ng saranggola ni Pepe,
Matayog ang pangarap ng matandang bingi…
Umihip ang hangin, nawala sa paningin,
Sigaw ng kahapon, nilamon ng alon,
Malabo ang tunog ng kampanilya ni padre,
Maingay ang taginting, rosaryo ng babae…
Nay, nay, nay, nay…nay, nay, nay, nay…
Nay, nay, nay, nay…naaayyy…
Matayog ang lipad ng saranggola ni Pepe
Matayog ang pangarap ng matandang bingi…
Hinuli ang ibon, pinagsuot ng pantalon
Tinali ng pisi, hindi na nagsinturon
Dumaan ang jipney at gumuhit pa sa kalye,
Mauling ang iniwan, hindi na ‘tinabi…
Nay, nay, nay, nay…nay, nay, nay, nay…
Nay, nay, nay, nay…naaayyy…
Matayog ang lipad ng saranggola ni Pepe
Matayog ang pangarap ng matandang bingi…
Pinilit umawit, ang naglaroy isang ingit,
Lumuha ang langit at ang mundo ay nanliit,
Kumakaway sa bakod ang anghel na nakatanod,
Sumusuway sa utos, puso’y sinusunod…
Nay, nay, nay, nay…nay, nay, nay, nay…
nay, nay, nay, nay…naaayyy…
No comments:
Post a Comment