Sunday, November 04, 2007

Isa, dalawa, tatlo...si waway naman!

Wehey, may nakuha akong bagong awitin, at nais kong ibahagi sa inyo!

Ang may katha ng magandang awitin na "Bilang Daliri" (unang kanta sa i-meem ko ngayon) ay si Datu Waway Linsahay Saway, o kilala sa tawag na "Waway", isang datu ng tribung Talaandig sa may Sungco, Lantapan, Bukidnon. Napapadalas kasi ang pagpunta namin sa lugar nila dahil sa isang pag-aaral o research na ginagawa ng grupo namin. Nagkataon naman na napakayaman ng grupong ito sa kultura, kaya tuwang-tuwa ako na nakahalubilo ko sila at nakilala pa si Waway, kaya ibahagi ko ang mga pagtanaw ko.

Matagal ko ng naririnig ang pangalan ni Waway sa mga kaibigan ko rito sa Mindanao, at matagal na panahon na nagkaroon ako ng pagkakataon na makilala siya, at eto nga, duon pa mismo sa tribo nila kami tumutuloy, kaya ayos na ayos!

Kilala si Waway bilang isang magaling na musikero at ang genre ng kanyang musika eh tribal, ika nga eh, musikang Mindanao! Halos kasamahan o kahilera nya sina Bayang Barrios, Popong Landero at Joey Ayala, kaso ang mga musikerong nabanggit ay medyo nakalinya na sa pop music (mainstream), samantalang si Waway ay nanatiling tribal na musika talaga ang dating. Sa pakikipanayam ko sa kanya, parang nagkaroon ng kasunduan, hindi naman pormal (sa grupong musikero nila), na si Waway ang manatili o magpakadalubhasa sa ganitong musika, dahil sa kanyang kakaiba at hindi mapantayang pagpapahalaga sa kultura at ang wagas na adhikaing mapanatili ito.

Ang musika ni Waway ay binubuo ng mga madamdaming titik na halaw sa pakikipagsapalaran sa katutubong buhay ng mga Talaandig, simple man o komplikado, na akma o sumasalamin naman sa buhay nating mga pinoy, sa saliw ng tugtugin mula sa iba’t-bang sariling-gawang tambol, gitara, kudyapi (minsan o kalimitan, gumagawa pa siya ng kakaibang musical instrument fusion ng tambol at kuyapi) at plawta. Mahalagang bahagi rin ng kanyang musika ang mga chant, na nagpaparagdag sa pagpapaganda ng musika at isang paraan ng pagpapalabas ng mga saloobin.

Isa lamang ito sa mga likha nya na awitin, at napili ko lang ito kasi, medyo senti, hehehe, pero okay lahat ang mga kanta nya. Maituturing ko talaga siya na ganap na artista, kasi bukod sa paglikha ng magagandang awitin, si Datu Waway ay isa ring guro, pintor at lider sa kanilang tribo – o ha, pinakyaw na lahat!

Bilang Daliri
Waway Linsahay Saway

Isa, dalawa, tatlo, apat, lima
Anim, pito, walo, siyam, sampu
‘di mabilang ng aking mga daliri
Ang aking mga suliranin

Isa, dalawa, tatlo, apat, lima
Anim, pito, walo, siyam, sampu
Mga paraan na aking sinubukan
Subalit wala roon ang kasagutan

At ako ay naglalakbay, tayo’y nagkatagpo
Tayo’y nagkasama, hawak natin ang isa’t-isa
Tumibay ang aking loob, pag-ibig mo ang aking lakas
Pagmamahal mo ay liwanag sa madilim kong landas

Isa, dalawa, tatlo, apat, lima
Anim, pito, walo, siyam, sampu
‘di na rin mabilang ng aking mga daliri
Ang aking mga pag-asa

At ako ay naglalakbay, at tayo’y nagkatagpo
Tayo’y nagkasama, hawak natin ang isa’t-isa
Tumibay ang aking loob, pag-ibig mo ang aking lakas
Pagmamahal mo ay liwanag sa madilim kong landas

At sa ating paglalakbay, tayo’y nagkatagpo
Tayo’y nagkasama, hawak natin ang isa’t-isa
Tumitibay ang aking loob, pag-ibig mo ang aking lakas
Pagmamahal mo ay liwanag sa madilim kong landas

Isa, dalawa, tatlo, apat, lima
Anim, pito, walo, siyam, sampu
Hindi na rin ako mabibigo

No comments:

Related Posts with Thumbnails