Kahapon, galing ako sa isang meeting...meeting kasama ang ibang NGO (non-government organizations) at natuwa ako!
Bakit kanyo? Madalas akong dumalo sa mga meeting na ganito pero kahapon lang medyo kakaiba ang pakiramdam ko. Kasi, sa gitna ng meeting namin, at medyo inaantok na kami nga mga kasama ko o utang-uta na kami sa pinag-uusapan namin, ay nagkaroon ng isang intermission number.
At isang mama na pamilyar o parati ko nga nakikita sa mga rally at meeting ang kumanta sa harap namin at hinarana kami nga mga rebolusyonaryo o napapanahong awitin. Dati ko na siyang nakikita, at humahanga naman ako sa galing nya, pero hindi ko siya masyadong nabibigya'ng tuon ng pansin o interes. Ewan ko nga ba, pero parati rin naman akong nakikinig at magiliw na nonood sa kanya. Siguro, parati kong hindi naaabutan kung paano siya ipakilala, kaya gan'un na lamang ang interes ko sa kanya. Kahapon, narinig ko kung paano siya ipinakilala at laking mangha o gulat ko kasi...siya pala ang may katha ng isang awitin na sikat pero hindi alam kung sino ang sumulat!
Ang nababanggit ko ay ang awiting "Babae", kalimitang kinakanta ito sa mga rally o sa mga pagtitipong pormal lalo na sa mga may paksang pangkakabaihan. Hindi ko lang alam kung sino ang naunang magpasikat ng awiting ito kasi, dalawang (2) version ng awiting ito ang alam ko. Una ay ang version ng duo na "Fire" (Anna at Zorraya), at ng grupong "Inang Laya".
Kung mapapansin sa album ng Inang Laya, ang nakalagay lang ay "Anonymous" para sa nagkatha ng awiting ito. Matagal ko ng gustong malaman kung sino ang lumikha ng awiting ito, kasi naman napakaganda at napakalaman nito...laking gulat ko pa nga ng nalaman ko na lalake pa pala ang may katha, kasi impression ko eh babae pa nga ang gumawa nito eh! Pero, wala namang problema d'un...siya rin ang may likha ng isa pang magandang awitin, ang "Tano".
Eto po siya, si Manong Arting, Ramon Ayco ang tunay nyang pangalan.
...at ito 'yung awitin...alam kong pamilyar o narinig nyo na itong magandang awitin na ito!
Babae
Ramon "Arting" Ayco
Kayo ba ang mga Maria Clara,
Mga Hule at mga Sisa,
Na ‘di marunong na lumaban
Kaapiha’y bakit iniluluha?
Mga babae, kayo ba’y sadyang mahina?
Kayo ba ang mga Cinderella,
Na lalaki ang tanging pag-asa?
Kayo nga ba ang mga Nena,
Na hanapbuhay ang pagpuputa?
Mga babae, kayo ba’y sadyang pang-kama?
Ang ating isip ay buksan,
At lipuna’y pag-aralan
Pa’no nahubog, inyong isipan,
At tanggaping kayo’y mga libangan?
Mga babae, ito nga ba’y kapalaran?
Bakit ba mayroong mga Gabriela,
Mga Teresa at Tandang Sora,
Na ‘di umasa sa luha’t awa?
Sila’y nagsipaghawak ng sandata
Nakilaban, ang mithiin ay lumaya
Bakit ba mayroong mga Lisa
Mga Liliosa at mga Lorena
Na ‘di natakot makibaka?
At ngayo’y marami ang kasama
Mga babae, ang mithiin ay lumaya
Ang ating isip ay buksan,
At lipuna’y pag-aralan
Pa’no nahubog, inyong isipan,
At tanggaping kayo’y mga libangan?
Mga babae, ito nga ba’y kapalaran?
Bakit ba mayroong mga Lisa
Mga Liliosa at mga Lorena
Na ‘di natakot makibaka?
At ngayo’y marami ang kasama
Mga babae, ang mithiin ay lumaya...
Mga babae ang mithiin ay lumaya!
Tuesday, June 03, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
ay best in meeting ka ha...
woof!
Post a Comment