Thursday, July 31, 2008

Ako si Dazzler!

Ngayong mga nagdaang araw, parating may nakapasak na earphone sa tenga ko (siyempre, kaya nga "earphone" eh!). Napapahilig kasi akong makinig ng makinig ngayon kahit saan!

At napapansin ko, parang nakalutang ako sa ere kapag ganito, at feeling ko eh, may kakaibang lakas, o parang kaya kong gawin lahat (praning!) o parang may na-tap na naman akong enerhiya na hindi ko maipaliwanag... basta, kakaiba siya na mahirap ipaliwanag!

At biglang pumasok sa isipan ko ang paborito kong mutant, si Dazzler! Ang mutant na may kapangyarihang i-convert ang music o malakas na ingay (sound) sa mga nakakasilaw na liwanag (blinding lights!) - may nabasa rin ako na pwedeng laser din yata kaya nyang gawin... well, wala naman akong gan'ung powers, pero, feeling ko eh sa music nanggagaling ang powers ko, kaya halos magkapareho na kami!

Kulang na lang siguro mag-face paint ako ng kulay asul, pareho naman kaming maganda, hehehe....

Photobucket
...i-click nyo na lang po 'yung pix para makita nyo kung saan ko nakuha 'yung pix, magaling din kasi 'yung gumuhit eh....

Ako daw ang taya!

All you need is love!

Laya, tagged me, kaya eto, hahanap din ako ng kakampi...

Photobucket

This is a blog award.Behind the award, is a wonderful story of
love and survival of a little boy given another chance to live through a heart donor.Please help raise awareness for Organ Donorship in the Philippines and abroad.

Kaya, kayo naman ang taya mga kumare, mga bibigyan ko ng award!

Uhmmnnn, Ms. Mandaya, Mr. Wonder Woman at Papa Carver!



Tuesday, July 22, 2008

'tang ina....

Kaninang umaga, ito ang nasabi ko!

Muntik na akong masagasaan!

Tumatawid ako para sumakay sa jeep, tapos may paparating na ibang jeep sa kabila, malayo pa lang, mabilis na ang takbo! Crossing 'yun, dapat magmemenor siya at alam nyang tumatawid ako, abah eh hindi bumagal at talagang sasapulin ako!

Bigla tuloy akong napakilos ng mabilis at tumalon para makaiwas. Saka pa lang tumigil 'yung jeep.

N'ung nagkaharap kami ng driver, sabi ko ng galit na galit, "gago kang driver ka ah, babanggain mo ako!" (Lumabas tuloy ang pagka-amasona ko.)

Sabi n'ung driver, nakangiti pa, "Sorry boss, 'di ko kayo napansin eh..."

Sabi ko uli, matalim ang tingin, "at tatawa-tawa ka pa!"

Sabi n'ung driver uli, sabay harurot paalis, "'di ko kayo nakita eh!"

Halos sumabog ako sa inis at galit sa loob ng sinasakyan kong jeep. Pero, mayamaya, n'ung makalma na ako, at nag-isip-isip, napabulaslas ako.

"Muntik na pala ako d'un ah!"

Grabeng karanasan 'yun ah... delikado pala talaga dito... d'i ako si Wonderwoman.

Thursday, July 17, 2008

Eh sa fan ako eh....

Well, fan nga kasi ako ni Powergirl eh, kaya ilalagay ko siya dito...

...tapos, paborito ko pang artist 'yung nag-drawing kaya okay na okay (Adam Hughes = AH!).

May isa pang magaling na artist sa pag-drawing kay Powergirl, si Ed Benes, iba naman style niya, medyo mas detalyado o maraming linya (medyo hawig sa style ni Jim Lee o Mike Deodato, Jr. n'ung unang mga gawa niya, pero nag-evolve at nakagawa na siya ng sarili niyang style - ikwento ko na lang sa susunod na post), kabaligtaran naman nitong kay Hughes, na simple lang, minimalism kung baga.

Bagama't magkaiba sila ng style, si Powergirl pa rin ang umaangat o pinakasikat parati sa mga iginuguhit nila. Siya ang kalimitang ipinapaguhit ng mga fanboy sa kanila.

Bakit kanyo?

Dahil sa: sexy na posing, minimalist na costume (ito na 'yung pinakasikat na costume nya, well, actually, original na design pa nga ito - nagkaroon pa siya ng 3 costume, pagkatapos nito, pero ibinalik pa rin sa original, ito kasi pinakambenta eh) at higit sa lahat, malalaking boobs. Malaki na nga 'yung boobs, may butas pa sa lugar na 'yan - ang rason daw, kasi hindi nya alam kung anong logo o symbol ang ilalagay kaya blangko na lang. Ayun, mabenta tuloy siya sa mga fanboy.

Tungkol naman sa karakter o pagkatao (sa komiks), mas sikat siya sa counterpart nya na si Supergirl. Nakilala at nagustuhan siya sa serye ng Justice League Europe, at sumikat siya ng husto sa Kingdom Come - maskulado at kanang kamay ni Superman!

Ewan ko lang pero, parang may anggulo yata sa istorya na apo rin siya ni Don Tiburcio (lesbian), pero may nabasa naman ako na kinalantari nya si Hawkman, hmmmnnn....

Ah basta, kahit na ano pa siya, gusto ko siya!

Sa susunod, 'yung version ni Benes ang ipo-post ko dito, pero sa pansamantala, at sa susunod pang mga araw, 'yung kay AH! na muna ang malimit kong ipo-post dito.

Photobucket
Nice pose and smile, naaala ko mga ngiti o tawa ng mga taga-Pugad Baboy, hehehe...

...at nakita ko na sa Megamall, may naka-display na na Pugad Baboy XX, aaaahhhrrggghhh, dapat meron na ako n'un!!!

Wednesday, July 16, 2008

FYI: System Loss

Nakuha ko sa e-mail....magandang i-share sa makakabasa.... pagbibigay-linaw sa napapanahong isyu!

________


Pakibasa po ng malaman nyo electric bill natin!

Bilib ako sa commercial ni Juday, biro mo naipaliwanag niya in 30sec ang masalimuot na system loss na 'yan...:)

Tama si Juday sa kanyang paliwanag ng system loss, pero kung tayo ang bibili ng yelo at ayaw talaga nating mabawasan ang yelong binili, siyempre magdadala tayo ng styrofoam ice box o Coleman….

Ang tawag diyan ay increase the efficiency. Kung baga sa mga distribution utilities ayusin nila nang husto ang electrical network, pati na ang mga substation and step-down transformers para nag-o-operate sila sa maximum efficiencies. Kung lumang-luma na, palitan o 'di kaya i-maintenance. Tapos, i-reduce, at kung maaari ay alisin, ang mga administrative inefficiencies, tulad ng wrong meter readings, pilferage, at kung ano ano pa!

At alam ba ninyo na hindi lang MERALCO ang nagpapasa ng system loss? Pati ang TRANSCO na government owned at siyang nagme-maintain ng power grid. Balak ipasa or naipasa na ng TRANSCO ang 2.98% ng system loss nya sa MERALCO.. at siyempre kanino pa ba naman iyan sisingilin ng MERALCO?

Ngayon alam na natin kung bakit natunaw ang yelong binili ni Juday.. pero part pa lamang yan ng equation kung bakit mataas ang singil ng ating koryente, kunin ang electric bill... at heto ang component ng ating electric bill...

  • Generation charge
  • Tax on Generation charge
  • Transmission charge
  • Tax on Transmission charge
  • System loss
  • Tax on System Loss
  • Distribution, Metering and Supply charges
  • Lifeline rate subsidies
  • Tax on distribution, metering and supply charges and lifeline rate subsidies
  • Local franchise tax
  • Universal charges
I-add mo lahat yan at yan ang total electric bill mo... pero napansin nyo ba sa isang electric bill, 5 tax ang babayaran natin?

Para lalo nating mapansin, ganito ang flow ng kuryente bago dumating sa bahay naten....

Ang NAPOCOR or IPP ang magpo-produce ng koryente...bago pa makaalis ng planta ang koryente, magabayad na tayo ng tax na 51 centavos/kwh.

Ang kuryenteng iyan ay padadaanin ngayon sa TRANSCO, papunta sa distribution utility natin gaya ng MERALCO... muli tayong bubuwisan ng gobyerno, this time 11 centavos/kwh.

'pag nakarating sa MERALCO ang kuryente, muli sisingilin tayo ng buwis ng gobyerno, ng distribution tax at franchise tax....

At dahil magbabayad tayo ng system loss muli na naman tayong bubuwisan ng gobyerno... ng system loss tax....

At eto pa ang kwela sa lahat, after i-total ang iyong electric charges... papatawan kang muli ng tax... this time 'yung 12% e-vat. Imagine 5 tax na binayaran mo, yung tax na yun eh bubuwisan pang muli ng isa pang tax!

Ang alam ko po sa batas bawal ang double taxation... pero sa ginagawang ito ng gobyerno... siguro naaayon na sa batas kase lampas na sa doble eh (sarcastic lang po)!

At upang madagdagan pa ang sama ng loob nating mga filipino... ang NAPOCOR, ayon sa batas ay kinakailangan mag-imbak ng supply ng coal na tatagal ng 5 taon... pero ano ginagawa ng napocor? Sasairin nila yung supply nila ng coal upang tumagal lamang ng isang taon, at dahil paubos na, mapipilitan silang mag-conduct ng emergency purchase na 'di na dadaan sa bidding... or kung dumaan man, dahil sa ikli ng time table, walang makakapag-bid.

So, si NAPOCOR bibili ng coal, hindi sa lowest bidder, kundi sa kanilang preferred supplier... ang masaya pa neto, anlaki na ng patong... higit pa sa doble ng actual price ng coal sa market... idagdag pa d'yan ang arkila ng mga barko na gagamitin sa pagta-transport ng coal... na siyempre muling pagkakakitaan ng mga NAPOCOR executives....

Sobra na nga pinapataw na tax sa atin ninanakawan pa tayo ng gobyerno natin... (ansaya ng buhay sa Pilipinas no?)



Tuesday, July 15, 2008

Havaianas vs. Spartan

Makalipay ni...

Pangalan: Havaianas

Lugar na pinanggalingan: São Paulo, Brazil

Pagbigkas:

  • ah-vai-YAH-nas (Brazilian Portuguese)
  • hah-vee-ah-naz (American English)
  • OMG! hah-va-yaH-naZz! (Filipino)
Materyal na ginamit: Malupit na goma (high-quality rubber).

Presyo: Depende. Ganito na lang, 1 pares ng Havaianas = 100 pares ng Spartan.

Mga nagsusuot: Mga konyotik at mga mayayaman (na noong una ay nababaduyan sa mga naka-de sipit na tsinelas at sasabihing, "Yuck! So baduy naman nila, naka-slippers lang..")

Malulupit na katangian at kakayahan:
  • Masarap isuot.
  • Shock-absorbent.
  • Malambot ngunit matibay.
  • Makukuha sa sandamakmak na kulay, disenyo at burloloy.
  • Maaaring isuot sa loob ng Starbucks.
  • Mainam na pang-japorms.
  • Mainam i-terno sa I-Pod at Caramel Macchiato.
  • Mapipilitan kang maglinis ng mga kuko mo sa paa.
  • Maaari ka nang mag-dikwatro sa loob ng mga pampublikong lugar at sasakyan.
  • Magiging 'fashionable' ka kapag ikaw ay nagkukuyakoy.
Olats na mga katangian: Mahal! Mahal! Mahal!


VERSUS


Pangalan: Spartan

Lugar na Pinanggalingan: Metro Manila, Philippines

Pagbigkas:
  • spar-tan (American English)
  • is-par-tan (Filipino).
Materyal na ginamit: Pipitsuging goma (Low-quality rubber).

Presyo: Wala pang 50 pesos.
Isang pares ng Spartan = 20 piraso ng pan de coco.

Mga nagsusuot: ang masa (gaya-gaya lang ang mga sosyal at pasyonista)

Malulupit na katangian at kakayahan:
  • Maaring ipampatay sa ipis
  • Maaring ipampalo sa mga batang suwail at damuho
  • Pwedeng ipanglusong sa baha at putikan
  • Pwedeng ipamalengke
  • Mainam gamitin sa tumbang-preso
  • Mainam gawing 'shield' kapag naglalaro ng espa-espadahan
  • Mainam isuot sa siko bilang proteksyon habang naglalaro ng piko
  • Mainam na pambato sa picha o shuttlecock na sumabit sa puno
  • Mainam na pangkulob sa pumuputok na watusi
  • Kapag ginupit-gupit nang pahugis 'cube,' e maaari mo nang gawing pamato sa larong Bingo na kadalasang makikita sa mga lamay ng patay.
Olats na mga katangian:
  • Madaling magkawalaan kapag hinubad dahil halos pare-pareho lang ang itsura
  • Masakit isuot kapag may mga balahibo ang mga daliri mo sa paa
  • Minsan kapag ipinambato mo ito sa picha o shuttlecock na nakasabit sa puno, e nadadamay pati yung tsinelas...

Monday, July 14, 2008

Matayog ang lipad ng saranggola ni Pepe...

Wala lang, narinig ko kasi 'yung version na ito ni Sitti... at paulit-ulit na naman siyang tumutugtog sa isip ko... na-LSS na naman ako! Last Song Syndrome! Hehehe...

(Isinama ko na rin 'yung orihinal na si Bb. Celeste Legazpi)

Well, maayos din naman ang pagkakanta nya, maski sumablay siya sa ilang titik o lyrics ng awit (unang stanza pa lang eh...), pero nabigyan nya naman ng hustisya ang awit para sa makabagong panahon....

Sa totoo lang, ngayon ko rin lang nalaman ang mga titik ng awit na ito... n'ung bata ako, madalas ko siyang marinig, pero hindi ko saulo ang mga titik... ngayon na lang talaga...salamat sa internet!

Haaay... naaalala ko tuloy ang kabataan ko n'ung narinig ko ang awit na ito...

... naliligo sa ulanan ng hubo't-hubad...


... naglalangoy sa sanaw ng tubig-ulan mula sa malalakas na tulo sa mga bubong ng bahay...

... puro gasgas at sugat ang paa, lalo na ang pisngi ng mga binti dahil nagsisimulang mag-aral kung paano sumakay o umangkas sa bisikleta (BMX!)...

... ayaw matulog kapag tanghali, iiyak dahil ayaw matulog, pero makakatulog na rin dahil sa mapapagod sa kakapalahaw...

... may poster pa kami ng Menudo n'un sa may sala namin (bata pa si Ricky Martin at kinababaliwan si Robby Rosa!)...

... sikat na sikat sina Kuya Bojie! Ate Sienna! Si Pong Pagong at Kiko Matsing (asan na kaya sila?)! Ang Batibot!

...nag-aaway kami parati ng ate ko kapag 4:00 na dahil gusto nya "Dear Diary" (sino nga 'yung dalagang bida d'un na anak ni Tina Loy?) sa channel 9 at "That's Entertainment" naman pagkatapos sa channel 7, eh ako naman eh natural, cartoons ang gusto!

Sikat na sikat din ang "Bazooka Joe Bubble Gum", ang unang kong kinolekta na mini-comics, hehehe...

... at sebenti-payb sentimo pa n'un ang arkila ng komiks!

Ako ang nagpapaarkila sa lugar namin... ang daming nakasabit na iba't-ibang klaseng komiks sa isang sampayan sa may tarangkahan namin... nakakatawa, kailangan pang alisin ang mga nakasabit na komiks para lang may makapasok sa looban namin, hehehe... paborito ko n'un ang Funny Komiks (na ayaw naman akong ibili ng nanay ko dahil hindi nya gusto, Pinoy komiks ang sinusubaybayan namin n'un eh!) ... nakikibasa lang tuloy ako sa mga kalaro, kapitbahay o mga pinsan ko...

... talagang haaaay, ang simple ng buhay....

Pero ngayon?


Well, may internet....



Saranggola ni Pepe
Nonoy Gallardo

Matayog ang lipad ng saranggola ni Pepe,
Matayog ang pangarap ng matandang bingi…
Umihip ang hangin, nawala sa paningin,
Sigaw ng kahapon, nilamon ng alon,
Malabo ang tunog ng kampanilya ni padre,
Maingay ang taginting, rosaryo ng babae…
Nay, nay, nay, nay…nay, nay, nay, nay…
Nay, nay, nay, nay…naaayyy…


Matayog ang lipad ng saranggola ni Pepe
Matayog ang pangarap ng matandang bingi…
Hinuli ang ibon, pinagsuot ng pantalon
Tinali ng pisi, hindi na nagsinturon
Dumaan ang jipney at gumuhit pa sa kalye,
Mauling ang iniwan, hindi na ‘tinabi…
Nay, nay, nay, nay…nay, nay, nay, nay…
Nay, nay, nay, nay…naaayyy…


Matayog ang lipad ng saranggola ni Pepe
Matayog ang pangarap ng matandang bingi…
Pinilit umawit, ang naglaroy isang ingit,
Lumuha ang langit at ang mundo ay nanliit,
Kumakaway sa bakod ang anghel na nakatanod,
Sumusuway sa utos, puso’y sinusunod…
Nay, nay, nay, nay…nay, nay, nay, nay…
nay, nay, nay, nay…naaayyy…

Tuesday, July 08, 2008

Bayeng naay sundang....

Photobucket
Wooohooo, isa pang pelikulang kaaabangan!

...medyo matagal pa nga lang....

Thursday, July 03, 2008

Wednesday, July 02, 2008

Buanga oi!

Huh?

'yan ang katagang parati kong nababanggit ng pinapanood ko na ang pelikulang "Serbis".

Photobucket
okay sana na poster ito...

Excited na excited pa naman akong panoorin 'yun, pero, dalawa (2) sa mga kaibigan ko na nakapanood na, ang nagsabi sa akin na huwag ko na raw panoorin, dahil madidismaya lang daw ako.

Siyempre, lalo akong naintriga...alam mo naman, kapag sinabihang huwag na, saka pa lalong gusto.

Matigas kasi ang ulo ko...anong napala ko?

Ayun! Tama nga sila! Syongets ang "Serbis"!

Sa totoo lang, paano na-nominate 'yun?

Ipinakita nya lang kung ano ang nangyayari na kabaklaan sa loob ng sinehan...nag-e-experiment ang director sa pagkuha sa mga anggulo, hindi naman kailangan, dahil nakakaliyo lang...maraming scene ang binigyan ng focus, eh hindi rin naman kailangan...

...tulad ng sa "kambing"?

Snatcher?

Naliligo na matanda...ano namang sense n'un? Kulubot natural!

Nakalimutan ang pinakamahalagang sangkap ng pelikula..ang kwento o istorya! As in wala talaga!

Sa totoo lang, ang tamang titulo ng pelikula eh hindi "Serbis", dapat eh "Pigsa"!

Photobucket
Oh Pigsa...pisain mo akoh! Winner na titulo 'di vah?

Ay, makalagot oi!

Pakibaba nga ang kilay ko!

Related Posts with Thumbnails